LUCENA CITY – SUMUKO sa pamahalaan ang nasa 16 na hinihinalang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Batangas at Laguna.
Batay sa report ng Region 4A police, kinilala ang mga sumuko na sina Apolinar Rosales, asawa nitong si Levie, kapwa nasa listahan ng Philippine National Police’s periodic status report (PSR) bilang rebelde na nag-ooperate sa Batangas.
Sumuko ang mag-asawa kahapon, Hulyo 3 sa mga pulis at sundalo dakong ala-1:00 ng hapon sa Barangay Dayapan, Lemery, Batangas.
Sa Los Baños City, Laguna, 13 dating kasapi ng NPA naman ang sumuko bandang 4:30 PM sa Camp General Macario Sakay.
Anim sa mga rebelde ay nasa PSR list sa Laguna. Isinuko naman ng isa sa mga rebelde ang caliber .45 pistol na may apat na bala at mga kagamitan sa paggawa ng bomba.
Noong Hulyo 2, sumuko rin ang beteranong rebeldeng NPA na kinilalang si Gilbert Moreto, ng Lemery, Batangas.
Inamin rin ni Moreto sa pulisya na kasama rin sa PSR ang kanyang partisipasyon sa maraming engkwentro sa mga pwersa ng gobyerno sa lalawigan, partikular ang pag-atake ng NPA noong Enero 2017 sa Ritzy tourist haven Hamilo Coast sa Nasugbu.
Sinunog ng mga raiders ang staff house, sleeping quarters at tinangay ang ilang baril at bala mula sa resort security unit.
Tutulungan ang mga rebel returnees sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-Clip).
Nag-aalok ang E-Clip ng mga libreng medikal na paggamot, edukasyon, pabahay, at tulong legal sa mga rebeldeng sumuko. Mary Anne Sapico