MANILA, Philippines – Arestado ang 16 na suspek dahil sa kaugnayan ng mga ito sa illegal online raffle operations sa Binan, Laguna.
Ayon sa ulat, nagpatupad ng search warrant ang PNP Anti-Cybercrime Group sa kalagitnaan mismo ng kanilang pagla-livestream.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa pitong babae at siyam na lalaki.
Sinabi ng PNP-ACG na ang mga online raffle ay illegal at labag sa PD1602 o batas laban sa illegal gambling.
“Illegal po ‘yan dahil wala silang permit sa PAGCOR, sa GAB,” ani PNP ACG chief Police Colonel Jay Guillermo.
Kinumpiska ng mga awtoridad ang isang puting motorsiklo na papremyo sana sa raffle.
Nakuha rin ang mga printed ticket na may imahe ng raffle participants, live streaming gadgets, at tambiolo.
Nasa kustodiya na ng PNP Cybercrime Headquarters sa Camp Crame ang mga suspek.
Noong 2023, nagsagawa rin ng operasyon laban sa online raffle ang PNP-ACG at PAGCOR sa Bataan kung saan nakakakolekta ang mga ito ng P1.6 milyon sa kada raffle, at hanggang P80 milyon sa pangkalahatan.
“It’s a game of chance. Actually, maraming tumataya and it is run by teenagers, mga kabataan. Ang pinakamatanda nga dito ay 27 years old. [It is] unregulated. Walang nagsu-supervise [and]who knows kung niri-rig nila ‘yun [at] walang taxes,” pahayag ni PAGCOR Senior Vice President for Security and Monitoring Enforcement Group Raul Villanueva. RNT/JGC