Home METRO 1,600 estudyante sa Maynila binigyan ng educ assistance

1,600 estudyante sa Maynila binigyan ng educ assistance

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pamamahagi ng financial assistance sa higit 1,600 estudyante ng pampublikong eskwelahan sa Maynila nitong Miyerkules, Mayo 15.

Kasama ni Mayor Honey sina Manila Department of Social Welfare (MDSW) Chief Re Fugoso at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa ginanap na pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Educational Assistance Program (EAP) ng lokal na pamahalaang lungsod na isinagawa sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.

Ayon kay Fugoso, umabot sa 1,663 benepisyaryo ang nabahagian ng nasabing tulong pinansiyal kung saan nakatanggap ang mga ito ng tig-P5,000 cash.

Sa talumpati ni Lacuna, umapela ito sa mga magulang na ang natanggap nilang tulong pinansiyal ay gamitin sa pangangailangan ng kanilang mga nag-aaral na anak at huwag gamitin sa ibang gastusin tulad na lamang ng pambayad sa kuryente at tubig lalo na sa pambayad ng kanilang mga utang.

“Bagama’t hindi kalakihan, ang tulong na ito ay aming ibinibigay para kahit paano ay maibsan ang inyong pangaraw-araw na pangangailangan. Mag-aral lang kayo dahil ‘yan ang regalo sa inyong mga magulang na ginagawa lahat para lang matustusan ang inyong mga pangangailangan. Wala nang iba pang masaya pag kayo ay makapagtapos ng pag-aaral,” ani Mayor Honey. JAY Reyes