MANILA, Philippines – Nasabat sa isang 17-taong-gulang na estudyante ang mahigit ₱180K halaga ng high-grade marijuana o Kush sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Pasay City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Huwebes ng gabi, Oktubre 10.
Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director PBGen. Bernard Yang kay Pasay City police officer-in-charge PCol Samuel Pabonita ay nakilala ang nadakip na suspect na si alyas Crysel, isang children in conflict with the law (CICL).
Ayon kay Yang, nadakip ang CICL na suspect dakong alas 7:15 ng gabi sa Giselle Park, Brgy. 146, Zone 16, Pasay City.
Sinabi ni Yang na sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng SDEU ay narekober sa posesyon ng suspect ang apat na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 123.2 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalga ng ₱184,800.
Sa kadahilanan na ang suspect ay isang CICL ay dinala na lamang ito sa Bahay Pag-asa habang ang narekober na ebidensya ay nai-turnover naman sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis. (James I. Catapusan)