MANILA, Philippines – NAGBABALA ang mga awtoridad ng Pilipinas sa publiko sa kaduda-dudang alok na trabaho sa tinatawag na “Golden Triangle” sa Southeast Asia.
Ang Golden Triangle ang sinasabing sentro ng maraming ilegal na aktibidad sa Asya.
Isiniwalat ni Philippine Amusement and Gaming Corp. OIC General Raul Villanueva na ang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nauwi sa pagkawala ng trabaho at maraming Filipino ang labis na naapektuhan ng ban ang dahilan kung bakit tinitingnan ng mga Filipinong ito na magtrabaho sa POGO hubs sa mga bansang bahagi ng “Golden Triangle” gaya ng Thailand, kung saan ay maaari silang bayaran ng mas mataas.
“May nagtext sa’kin na isang mother meron siyang mga kaibigan na pogo workers na nagbabalak na pumunta sa Thailand, kasi karamihan ng mga Filipino workers ay may mga utang na may mga condo, bumili ng sasakyan. Baka kumapit sa patalim, pumunta sa ‘golden triangle.’ Sana, hindi naman sana mangyari na maririnig natin na torture victims ay mga Pilipino na,” ayon kay Villanuena.
Ang Golden Triangle ay isang rehiyon na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Laos, Thailand at Myanmar.
Bukod sa PAGCOR, nagbabala rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa lahat laban sa panganib na magtrabaho sa Golden Triangle.
Sa katunayan, may ilang Filipino ang naisalba mula sa gaming hubs sa lugar kung saan tinortyur ang mga biktima.
“They can suffer the same fate as the Chinese torture victims in Lucky South 99,” ayon sa PAOCC.
“Sa Golden Triangle delikado ‘yun eh. Previously yung mga dating nagiging rescue operation namin actually yung iba sinusundo nga natin yung iba sinasalubong na lang natin dito sa airport natin, may mga biktima ng torture doon ano, hindi lang isa, hindi lang dalawa. ‘Yung sa mga na-rescue natin, minsan isang grupo. Ang kanilang testimonies ay nasa-subject talaga sila sa torture and nakakatakot doon wala ka sa Pilipinas nasa ibang bansa ka. Pag nakatakas sila they will go to the embassy natin then pag nasa embassy na binibigyan na lang sila ng travel authority,” ang pahayag ni PAOCC chief Usec. Gilbert Cruz.
Sinabi pa niya na ang mga manggagawa ay paunang nire-recruit sa online para sa telemarketing o online selling jobs bago pa ipadala sa online gaming hubs.
“Sa proseso, initially they will be recruited online Whatsapp o sa Facebook or other online groups. Sasabihin sa’yo high paying ang papasukan mo sasabihin call center, ito ay isang parang telemarketing o kaya online selling and then magugulat ka na pagdating mo doon kukunin agad ang passport mo and then scamming pala yung pupuntahan mo,” ani Cruz.
“They offer higher salaries that’s why a lot of workers are willing to be recruited,” aniya pa rin sabay sabing “Initially ang pinapangako P80,000 pataas, plus sasabihin may commission pa sila so talagang maeengganyo ka na pumasok dahil imagine P80,000 tapos may commision ka pa.”
Ani Cruz, marami ng Filipino ang nasa Golden Triangle.
“Marami pa diyan sa Cambodia Golden Triangle. Golden Triangle nandyan yung Cambodia, Laos, Myanmar. Nandyan yung Vietnam. Yung Lugar na yon talagang sa boundary especially sa Myanmar nandoon scam. Kadalasan ang nare-rescue doon o ang nakakatakas, may nadadaanan sila na 8 o 9 na checkpoints then sasakay pa sila ng bangka para ma-cross nila ang boundary,” ang sinabi ni Cruz.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Villanueva, ang illegal POGOs sa Pilipinas ay kumikita ng P300 milyon sa isang araw, kung saan maraming Filipino rin ang nagtatrabaho.
Winika naman Labor Secretary Bienvenido Laguesma, nakikipag-ugnayan na sila sa mga employer ng Internet Gaming Licensee (IGL) para tulungan ang mahigit sa 30,000 manggagawa na apektado ng POGO ban.
Nagsasagawa rin ang DOLE ng mga job fair para tulungan ang mga empleyado na naghahanap ng bagong trabaho.
“Gusto ko sila encourage na mag-avail ng jobs fair at intervention na tulungan sila na magkaroon ng kapalit na trabaho pero di na sa gaming operations,” ang sinabi ni Laguesma.
“Sana ‘wag mahikayat ang ating mga kababayan na nagta- trabaho sa POGO… Tingnan mabuti bago kagatin ang alok. Sa iligal na trabaho malalagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan at kapakanan,” ang tinuran pa rin ng Kalihim. Kris Jose