MANILA, Philippines – Isiniwalat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., may 17 monolithic dome cold storage facilities na itinayo noong 2022 na substandard at hindi pinayagang gamitin dahil sa depektibong disenyo.
Ang mga pasilidad, na itinayo sa ilalim ng nakaraang administrasyon ng DA, ay hindi kayang mapanatiling sariwa ang mga gulay at prutas, dagdag pa ng kalihim.
Isa sa mga hindi nagagamit na pasilidad ay matatagpuan sa Cagayan de Oro City Engineering Office sa Barangay Kauswagan.
Ang bawat pasilidad ay tinatayang nagkakahalaga ng P20 milyon.
Sinabi ni Laurel na pinag-aaralan pa ng DA ang mga posibleng solusyon upang maging functional ang mga ito, ngunit maaaring mas mahal ang gastos sa pag-aayos at hindi niya pinabayaran ang kontratista para sa substandard na konstruksyon.
“Hindi ko pina o-operate yun dahil sobrang palpak ang gumawa nun. It is for me a project of the old DA administration sobrang palpak,” ani Laurel. Santi Celario