Home METRO 17 miyembro ng Budol-budol gang nambudol ng sabon, nadakma sa Bulacan

17 miyembro ng Budol-budol gang nambudol ng sabon, nadakma sa Bulacan

Bulacan – Arestado ang 17 indibiduwal na umano’y nanghaharang at nambubudol sa mga driver ng sasakyan na dumadaan sa bayan ng Pulilan.

Ayon kay Kapitan Dennis Cruz ng Brgy. Sto. Cristo, pawang 16 kabataang lalaki at isang babae na kapwa residente ng lungsod ng Caloocan ang mga naaresto.

Aniya, nitong Biyernes ng hapon may reklamo silang natanggap na may ilang indibiduwal na nanghaharang ng mga sasakyan sa lugar at sapilitang nagbebenta ng mahal na sabon.

Aniya, ang modus ay palilibutan ng mga suspek at hihingan ng ID ang biktimang rider/driver at kapag nakita ang apelyido ay sasabihing kamag-anak nila ito.

Dahil dito, makukuha ng mga suspek ang atensyon at loob ng ilan sa biktima kaya mapapasunod nila na mapabili, halimbawa ng anim na sabon sa presyong P700 hanggang P800.

Isa sa mga biktima ang natauhan at humingi ng saklolo sa barangay na agad rumesponde sa lugar katuwang ang mga pulis kaya nahuli ang mga ito.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso na nakulong sa istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III

Previous articleMga sibilyan pinayagan ng PNP na magkaroon ng semi-automatic rifle
Next articleSenate probe ikinasa vs ‘irregular’ na bentahan ng NFA rice