Home METRO 17 NCR LGUs tumanggap ng patient transport vehicle sa PCSO

17 NCR LGUs tumanggap ng patient transport vehicle sa PCSO

274
0

MANILA, Philippines – Namahagi ng patient transport vehicles (PTV) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lahat ng Metro Manila mayors kasabay ng pulong ng Metro Manila Council sa lungsod ng Maynila.

Pinangunahan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang Metro Manila Council Meeting sa Diamond Hotel nitong Martes ng hapon.

Nagpasalamat naman si Artes sa mga mayors na dumalo at sa kanilang suporta sa buong 2025, at aasahan pa aniya na mas maraming suporta ang kanyang matatanggap sa 2026.

Ayon kay Artes, kasama sa kanilang pinag-usapan ang programa ng DOH para sa pagdiriwang ng ligtas na Kapaskuhan at Bagong Taon, kung saan namahagi ng PTV sa bawat LGU sa Metro Manila na maaaring magamit sa oras ng emerhensiya.

Isa ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa nakatanggap ng PTV, kung saan sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na malaking tulong ito at mahalaga para matugunan ang pangangailangan sa medical emergencies.

Magpapalakas din ito sa kapasidad ng mga LGUs para maghatid ng mga may sakit sa mga ospital.

Sinabi naman ni PCSO General Manager Mel Robles na ang PTV ay equipped o may mga nakalagay nang kagamitan tulad ng stretcher, oxygen tank, at first-aid kit.

Bukod dito, nakatanggap din ang 12 LGUs ng lotto-share checks mula sa PCSO para pondohan ang mga lokal na programa sa kalusugan at serbisyo publiko.

Ayon kay Artes, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan ng PTV ang lahat ng local government units sa buong bansa upang palakasin ang emergency medical response.

Nagpasalamat naman si MMDA Chairman Don Artes at mga alkalde, kabilang si MMC President at San Juan Mayor Francis Zamora, dahil malaking tulong ang mga PTV sa mabilis na pagresponde sa medical emergencies at sa pagtataguyod ng mas matibay na health care system. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here