MANILA, Philippines – TINATAYANG 17 Filipino ang nananatili pa rin sa police station sa Qatar matapos arestuhin dahil sa pagsasagawa ng political demonstration.
“Mayroong 17 na nasa police station pa… mga one hour from the capital Doha,” ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega.
“Nag-rally sila… Pinapunta na natin ang ating mga opsiyal… We are going to monitor and coordinate,” ang sinabi nito.
Sa ulat, sinabi ng Philippine Embassy sa Qatar na ang ilang pinoy na inaresto sa Qatar ay para sa ”suspected unauthorized political demonstrations.”
”The Embassy of the Republic of the Philippines in Doha is aware that several Filipino nationals have been arrested and detained early today, March 28, 2025, for suspected unauthorized political demonstrations in Qatar,” ang sinabi ng embahada.
Muling inulit ng embahada ang payo nito sa lahat ng mga Filipino na igalang ang lokal na batas at kaugalian kaugnay sa mass demonstrations at paghahayag ng ‘political grievances.’
“Lahat ng klase ng political rally, bawal sa Qatar,” ayon kay de Vega.
At sa tanong kung ang rally na ginawa ng mga pinoy ay naglalayong kontrahin ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang naging tugon ni de Vega ay: “Mukhang ganoon po ang dahilan po. At saka alam natin na kaarawan ng dating presidente kaya ‘yun ang dahilan kaya nagra-rally sila.”
Marso 28, nagdiwang ng kanyang ika-80th birthday si dating Pangulong Duterte at ito ay kanyang ipagdidiwang habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
Samantala, tutulungan naman ng Philippine Embassy sa Qatar ang mga filipino na inaresto, araw ng Biyernes.
“Palagi tayong may abogado sa embassy doon… Pero ang problema, iba ang justice system doon. Minsan, ayaw nila na may embassy munang kausap hangga’t hindi tapos ang imbestigasyon. Pero maraming beses kung harmless, siguro ikukulong nila ng a few days at pakakawalan din,” ang sinabi ni de Vega. Kris Jose