MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng pakikiramay ang Pilipinas sa Myanmar at Thailand.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DOH) na handang tulungan ng bansa ang mga napaulat na nasawi matapos ang malakas na lindol na tumama sa central Myanmar nitong Biyernes.
“Nakikiramay tayo sa mga kaibigan, kapitbahay natin sa Myanmar at Thailand,” ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega.
Sa ulat, tumama ang napakalakas na lindol sa central Myanmar nitong Biyernes. Ang pagyanig ng lupa, umabot hanggang sa Thailand na nagpaguho sa isang ginagawang 30-storey building sa Bangkok.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), may lakas na 7.7 magnitude at lalim na 10 km (6.2 miles) ang naganap na lindol.
Ang sentro ng lindol ay nasa 17.2 km mula sa lungsod ng Mandalay, Myanmar na may populasyon na 1.5 milyon.
Samantala, sinabi ni De Vega na kinokontak na ng dalawang embahada ang Filipino communities para i-check ang mga ito. Kris Jose