Home NATIONWIDE 17 senador nagpahayag ng suporta kay Zubiri

17 senador nagpahayag ng suporta kay Zubiri

MANILA, Philippines – Tatlo pang senador ang pumirma sa pagpapahayag ng suporta sa liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Mismong si Zubiri ang nag-anunsyo nitong Miyerkules, Marso 6, na nagdeklara ng suporta sa kanyang liderato sina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Robin Padilla, at Jinggoy Estrada.

“There are more that signed. Nadagdagan po, additional three senators,” ani Zubiri sa press briefing sa Senado.

“I’d like to thank Senator Bong Revilla, Senator Robinhood Padilla, and Senator Jinggoy Estrada also signed, together with the original 14 that had signed,” dagdag pa niya.

Ang 14 na pumirma ay sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, Senators Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, JV Ejercito, Grace Poe, Nancy Binay, Lito Lapid, Raffy Tulfo, Mark Villar, Ronald “Bato” dela Rosa, Francis Tolentino, Christopher “Bong” Go, at Zubiri.

Hindi naman pumirma sa statement of support sina Senador Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Francis Escudero, Imee Marcos, at Cynthia Villar.

Ang nalalabing dalawa ay mula sa opposition bloc, sina Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Risa Hontiveros.

Umaasa si Zubiri na mas marami pang kasamahan sa Senado ang patuloy na susuporta sa kanyang liderato sabay-sabing marami sa mga ito ang wala sa bansa sa kasalukuyan.

Matatandaan na naging matunog ang pangalan ni Estrada na papalit kay Zubiri kung naging matagumpay ang tangkang pagpapalit sa liderato ng Senado.

Itinanggi ni Estrada ang isyung ito.

“To quell all speculations, there’s no truth to it,” ani Estrada sa panayam nitong Lunes.

Si Senador Imee Marcos ang nagkumpirma na naudlot ang tangkang pagpapalit sa liderato ni Zubiri.

“Oo, there’s a lot of pressure to change Migz Zubiri,” sinabi ni Marcos sa hiwalay na panayam.

“It’s all coming from outside the Senate, not within the Senate. So strange,” dagdag pa niya.

Tumanggi namang magsalita si Zubiri patungkol dito.

“I don’t want to dwell on that, I don’t want to comment on that kasi mukhang in-address naman natin yung mga concerns nila and I think that’s the most important, these concerns,” aniya.

Kasabay nito, nangako si Zubiri na magsasagawa ng mas marami pang konsultasyon at caucuses linggo-linggo upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga kasamahan. RNT/JGC

Previous articleCatch-up Fridays ng DepEd, suportado ni Gatchalian
Next articleMag-asawang senior patay sa nasunog na bahay sa QC