MANILA, Philippines – Suportado ni Senator Sherwin Gatchalian ang patakaran ng Department of Education (DepEd) na ipatupad ang ‘Catch-Up Fridays’, na naglalayong pahusayin ang kasanayan sa pagbabasa ng mga mag-aaral.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng implimentasyon sa programa kung isasaalang-alang na malaking bilang ng mga mag-aaral sa bansa ang nahihirapan sa pagbabasa.
Ang mga resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA) ay nagpakita na 76% ng 15-taong-gulang sa bansa ay hindi nakamit ang pinakamababang kasanayan sa pagbasa.
Para sa 2022 round ng PISA, ang Philippiner average na 347 sa Reading ay mas mababa pa rin sa average ng mga bansa sa ilalim ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD) countries na nasa 476.
Isinasaad din ng OECD na sa pinakamababa, ang mga 15-taong gulang na mag-aaral ng bansa ay makakaunawa sa literal na kahulugan ng mga pangungusap o maiikling sipi.
Ang OECD ay ang body na nagsasagawa ng PISA.
“Sinusuportahan natin ang pagpapatupad ng ‘Catch-Up Fridays’ dahil ito ay mag-aambag sa pagpapalakas ng kakayahan ng ating mga mag-aaral na bumasa. Nakita natin sa datos na marami sa ating mga mag-aaral ang nangangailangan ng tulong pagdating sa pagbabasa, kaya naman mahalagang suportahan natin ang mga programang tutugon sa pangangailangan nila,” sabi ni Gatchalian, Chairperson of the Senate Committee on Basic Education.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na sinimulan ng DepEd ang ‘Catch-Up Fridays’ noong Enero 12.
Ang programa ay ipinatutupad sa lahat ng pampublikong elementarya at hayskul sa buong bansa, gayundin sa community learning centers (CLCs) sa buong bansa.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 001 s. 2024, lahat ng Biyernes ng Enero ay ilalaan sa aktibidad na Drop Everything at Read activity.
Ayon sa DepEd memo, ang ‘Catch-Up Fridays’ ay integral sa National Reading at Mathematics Programs, na parehong kritikal na subprogram ng National learning Recovery Program.
Isinusulong din ng senador ang mga hakbang na magpapalakas sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa.
Isa sa mga ito ay ang ARAL Program Act (Senate Bill No.1604) na naglalayong magtatag ng isang pambansang learning recovery program upang mabawasan ang mga epekto ng COVID-19 pandemic.
Inihain din niya ang National Reading Month Act (Senate Bill No.475), na naglalayong gawing institusyonal ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang itaguyod ang kultura ng pagbabasa. Jocelyn Tabangcura-Domenden