Home NATIONWIDE 171 dayuhang sex offenders hinarang ng BI na makapasok sa bansa noong...

171 dayuhang sex offenders hinarang ng BI na makapasok sa bansa noong 2023

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na umabot sa 171 foreign nationals ang naharang ng kanilang mga immigration inspector sa iba’t ibang port of entry na may record ng convictions o pagkakasangkot sa sex offenses nitong nagdaang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang mga nasabing dayuhan ay pinabalik sa kanilang pinanggalingan alinsunod sa isang probisyon sa immigration act na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan na nahatulan o kinasuhan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

“They were also placed in our blacklist of undesirable aliens to make sure that they are excluded if they attempt again to come here in the future,” ani Tansingco.

“Their presence poses a serious risk to our women and children,” dagdag pa ng opisyal.

Batay sa rekord, nasa 129 na Amerikano ang pinabalik sa kanilang pinanggalingang bansa dahil sa pagiging sex offenders, sinundan naman ito ng Briton na nasa 15 ang bilang, apat na Australiano, at apat na Irishmen. Kasama rin sa listahan ang dalawang German at dalawang Chinese national.

“Of the 171 aliens, 153 were turned back for being registered sex offenders (RSOs) while the rest were either charged with sex crimes or are subjects of complaints for similar offenses,” saad ng BI.

Nauna nang nagpahayag ng alarma si Tansingco sa pagdami ng mga alien sex offenders sa mga airport na nagsimula matapos ang COVID-19 pandemic.

Tiniyak naman ni Tansingco sa publiko na hinding-hindi papayagan ng BI ang mga dayuhang ito na makapasok sa Pilipinas hindi lamang dahil ipinagbabawal ito ng batas kundi dahil banta nila ang kapakanan ng mga kababaihan at mga batang Pilipino, na sinuman sa kanila ay maaaring maging susunod nilang biktima. JAY Reyes