MANILA, Philippines- Nasa 1,726 aftershocks ang naitala sa lalawigan ng Surigao del Sur at mga karatig-lugar kasunod ng malakas na magnitude 7.4 na lindol nitong Sabado, ayon sa Phivolcs.
Sinabi ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol na hanggang alas-10 ng umaga nitong Lunes, pumalo ang mga aftershock sa magnitudes 1.4 hanggang 6.6.
“Yung aftershock na 6.6, naramdaman ito as intensity 5, so medyo malakas pa rin ito, sa may Hinatuan, Surigao Del Sur and intensity 4 naman sa Nabunturan, Davao de Oro, sa may Claver, Surigao del Norte, sa Surigao del Sur sa may Bislig City at Kaligiran,” pahayag ni Bacolcol at sinabing mas marami pang aftershocks ang inaasahan sa mga susunod na araw at linggo.
Inihayag naman ng Office of Civil Defense na kasalukuyan nitong bineberipika ang dalawang naiulat na nasawi dahil sa lindol.
Samantala, nasa siyam na indibidwal ang nagtamo ng sugat, base kay OCD-Caraga Regional Director Liza Mazo.
“Per data na nakuha natin kahapon, kasi nandun kami sa Bislig at Tandag, sabi naman ng NDRRMO nagpapagaling naman sila, wala namang critical,” anang opisyal.
Samantala, batay sa inisyal na datos ng OCD, halos 102 kabahayan ang totally damaged mula sa lindol, habang 743 ang partially damaged.
Namahagi na ang local at regional authorities ng food at non-food items, kabilang ang emergency shelter kits para sa inisyal na pagkumpuni sa partially damaged houses.
“And yung rapid assessment natin, tuloy pa rin, lalo na kung may damaged infrastructures, damaged schools, tuloy pa rin po ang assessment,” pahayag niya.
“Mostly nasa kamag-anak nila, may iba na nasa multi-purpose halls at barangay halls, takot pa rin sila. May tremors pa rin kasi dito every now and then,” patuloy ni Mazo.
Samantala, naibalik na ang tubig at kuryente sa probinsya, ayon sa OCD.
“May nagcicirculate kasi na fake news or disinformation lang po about the earthquake… hindi po mape-predict kung kailan, ang magagawa lang natin ay paghahanda in case na may earthquake lumabas tayo, may open space. Wag nating takutin pa ang mga tao, dahil takot na ngayon,” ayon pa sa opisyal. RNT/SA