Home NATIONWIDE ‘18 bodyguards’ may ebidensya vs kickbacks ng higit 200 mambabatas — abogado

‘18 bodyguards’ may ebidensya vs kickbacks ng higit 200 mambabatas — abogado

2
0
TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales

MANILA, Philippines — Sinabi ng abogado ng tinaguriang “18 bodyguards” na nag-akusang naghatid sila ng P805 bilyong kickbacks na may hawak silang ebidensya laban sa mahigit 200 mambabatas.

Ginawa ni Atty. Levito Baligod ang pahayag nitong Huwebes habang sinasamahan ang isa sa mga umano’y dating bagman ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Office of the Ombudsman para sa fact-finding investigation nito.

Nang tanungin kung ilan na ang mga mambabatas na umano’y nasasangkot batay sa kanilang ebidensya, sinabi ni Baligod: “It’s more than 200 congressmen.”

Hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.

Sinamahan ni Baligod si Johnny Buduan, isa sa mga miyembro ng “18 bodyguards,” na ininterbyu ng mga imbestigador ng Ombudsman.

Ayon kay Buduan, minsan siyang naghatid noong Nobyembre 2023 ng mahigit 20 maleta sa tirahan ng isang mambabatas. Aniya, may ilang maleta na may nakadikit na post-it notes na nagsasaad na naglalaman ang mga ito ng P40 milyon at P50 milyon.

Sinabi ni Baligod na hindi muna maaaring pangalanan ni Buduan ang naturang mambabatas dahil kumpidensyal ang isinasagawang fact-finding proceedings ng Ombudsman.

“I cannot share the details with you right now, but in general, he (Buduan) mentioned to whom the money was sent to, how it was delivered, where the money came from, et cetera,” pahayag ni Baligod.

Ayon pa sa abogado, wala pa silang isinusumiteng bagong ebidensya tulad ng mga larawan at video sa Ombudsman.

Sinabi ni Baligod na bahagi ng proseso ang fact-finding investigation para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan. Isa-isang iniimbitahan ng Ombudsman ang mga testigo matapos iutos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsumite ng magkakahiwalay na affidavit ang lahat ng 18 personalidad.

“Each of the 18 will now share with the Ombudsman investigators everything that they know,” ani Baligod. “In the joint affidavit, we just provided a glimpse.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here