Home NATIONWIDE Japan target magtayo ng 5 nuclear reactor ‘gang 2040

Japan target magtayo ng 5 nuclear reactor ‘gang 2040

1
0

TOKYO — Naglatag ang industriya ministry ng Japan ng panukalang muling magtayo ng dalawa hanggang limang nuclear power reactors pagsapit ng 2040s upang matiyak ang matatag na suplay ng kuryente sa bansa.

Ito ang kauna-unahang numerical target para sa pagpapalit ng mga reactor na inilabas mula nang maganap ang malalang aksidente sa Fukushima No. 1 nuclear power plant noong Marso 2011.

Iniharap ang panukala nitong Biyernes sa isang subgroup ng Advisory Committee for Natural Resources and Energy. Nakapaloob din dito ang plano na magdagdag ng siyam pang reactors pagsapit ng 2050s, na magdadala sa kabuuang bilang ng mga replacement reactors sa 11 hanggang 14.

Ayon sa Ministry of Economy, Trade and Industry, makatutulong ang target upang matugunan ang inaasahang pagbagsak ng power generation capacity habang isa-isang dini-decommission ang mga reactor na lampas na sa 60 taon ang operasyon.

Tinatayang mangangailangan ang Japan ng karagdagang 2.2 milyon hanggang 5.5 milyong kilowatts ng generation capacity pagsapit ng 2040s.

Nakasaad din sa draft proposal na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang ligtas at tuluy-tuloy na decommissioning ng Fukushima No. 1 nuclear power plant. Kabilang din sa plano ang pagbuo ng next-generation nuclear reactors na mas ligtas kaysa sa kasalukuyang mga modelo.

Noong Pebrero 2025, pinagtibay ng Japan ang bagong basic energy plan na nagbago sa dating polisiya ng pagbabawas ng pagdepende sa nuclear power at sa halip ay nagtataguyod ng maximum use ng nuclear energy.

Target ng pamahalaan na itaas sa humigit-kumulang 20 porsiyento ang bahagi ng nuclear power sa energy mix ng bansa pagsapit ng fiscal year 2040 mula sa 9.4 porsiyento noong fiscal year 2024. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here