MANILA, Philippines – Hindi papatulan ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson na ipatawag ang 18 dating miyembro ng Philippines Marines na nagbulgar na nakapagdeliver sila ng aabot sa P805 bilyon mula noong 2023 hanggang kamakailan sa ilang pulitiko kabilang sa Palasyo.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson, chairman ng Senate blue ribbon committee na kung hindi kayang kwentahin ng isang tao ang katotohanan, hindi siya dapat magsalita tungkol sa mga numero — at baka lumagpak lamang siya sa “test of believability,” tulad ng sa sinasabing P805-bilyong cash delivery scheme.
Tinugunan din ni Lacson ang ilang mungkahing ipatawag ang 18 dating sundalo upang dumalo sa isang pagdinig para mabuking sila kung nagsisinungaling, at iginiit na ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay nilalayong alamin ang katotohanan, hindi lamang ilantad ang mga kasinungalingan.
“The tale of P805B ‘maletas’: If you do not know how to compute the truth, don’t talk about numbers to quantify probabilities, or face the consequence of failing the test of believability,” ani Lacson sa kanyang X account.
“I am not alone in doubting the credibility of the statements attributed to the 18 ‘ex-Marine’ personnel since many have shared my computation,” dagdag ng mambabatas.
Bilang tugon sa mga panawagang mag-schedule siya ng pagdinig upang mabuking ang 18 marino kung nagsisinungaling, sinabi ni Lacson na ang mga pagdinig ng Blue Ribbon panel ay nakalaan upang alamin ang katotohanan, at hindi para ibuking ang mga kasinungalingan.
“Maybe, but maybe not. The BRC hearings are intended to expose the truth, not lies. If they will adjust the numbers within the realm of possibilities, why not?” aniya bilang tugon sa isang netizen na nagmungkahing ipatawag ang 18 sa pagdinig para doon mabuking ang kanilang kasinungalingan.
Nauna nang binanggit ni Lacson ang mga tanong hinggil sa lohika at batayang matematika sa mga pahayag ng abogadong si Levito Baligod, na nagpakita ng 18 umano’y dating sundalo na sangkot sa sinasabing iskema ng pagdeliber ng cash.
Aniya, bukod sa napakahirap na gawaing logistikal ng paglipat ng 805 metric tons na perang papel, may usapin din ng oras sa pagbababa, pagbibilang, muling pag-iimpake, muling pagkakarga at pagdedeliber ng pera—na aniya’y aabot pa hanggang 2027 o 2028 pa, kahit pa magtrabaho ang mga sangkot nang 24/7.
Iginiit ni Lacson na tungkulin niyang suriin ang kredibilidad ng pinagmulan at ng mismong impormasyon bago magpatawag ng pagdinig, dahil ayaw niyang mauwi sa isang sirko o joyride ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Noong Martes, sinabi ni Lacson na bukas siyang makipagpulong kay Baligod upang maiayon sa “realm of possibilities” ang testimonya ng 18 dating sundalo hinggil sa umano’y mga cash delivery.
“For truth’s sake, without sacrificing the dignity and integrity of the Blue Ribbon Committee inquiry, I am willing to speak to Atty. Levito Baligod to reconcile the joint testimony of his 18 clients with the realm of possibilities,” giit niya. Ernie Reyes