COTABATO CITY, Philippines – Sumuko sa military ang labing walong dating miyembro ng mga grupong Moro ekstremista sa Maguindanao del Sur nitong Miyerkules ng hapon, matapos umanong magsawa sa patuloy na pagtatago mula sa mga opensiba ng militar, iniulat ng Philippine Army nitong Huwebes.
Ipinresenta ni Lt. Col. Christian V. Cabading, kumander ng 92nd Infantry Battalion (92IB), ang mga sumukong rebelde at kanilang mga armas kay Maj. Gen. Ramon P. Zagala, kumander ng 2nd Infantry Division na nakabase sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Ayon sa militar, ang mga sumuko ay dati umanong kasapi ng Dawlah Islamiyah (DI) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kumikilos sa mga bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak, at Mamasapano.
“Ang kanilang desisyon na isuko ang armas at magbalik-loob sa batas ay patunay ng tapang, pagkakasundo, at pag-asa na magsimulang muli kasama ang kanilang pamilya at komunidad,” pahayag ni Cabading.
Bukod sa 18 armas na isinumite ng mga sumukong rebelde, may 24 pang loose firearms ang naibigay sa militar sa pamamagitan ng Small Arms and Light Weapons (SALW) program.
Kabilang sa mga isinukong armas ang rocket-propelled grenades, sniper rifles, grenade launchers, shotguns, pistols, at revolvers.
“Bawat armas na naibibigay ay nagbabawas ng instrumento ng karahasan at naglalapit sa atin tungo sa mas ligtas na komunidad,” dagdag ni Cabading.
Sa isinagawang surrender rites, binigyang-diin ni Zagala ang kahalagahan ng edukasyon para makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa mga komunidad.
“Ang kamangmangan at pagkiling ay nabubura sa pamamagitan ng edukasyon,” ani Zagala habang kinakausap ang mga dating mandirigma.
Dagdag pa niya, sa pagpapalaganap ng kaalaman ay mababasag ang siklo ng karahasan at hindi pagkakaunawaan na ginagamit ng mga ekstremistang grupo.
Hinimok din niya ang mga sumukong rebelde na tiyaking makapapasok sa libreng edukasyon ng pamahalaan ang kanilang mga anak, bilang susi sa kanilang pag-unlad.
Pinuri ni Zagala ang tapang ng mga sumuko sa pagpili ng kapayapaan kaysa karahasan, at ang desisyon nilang yakapin ang bagong simula para sa kanilang pamilya.
Binigyang-pugay rin niya ang 92IB sa pag-igpaw sa kanilang misyon, lalo na sa mga peace-building efforts na nagpapatatag ng tiwala ng mga tao. /Mary Anne Sapico