MANILA, Philippines – Inaasahang aabot sa 180 mambabatas ang boboto pabor sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte, ayon kay House Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno.
Ang nasabing bilang ay higit pa sa kailangang “one-third” o 106 na boto mula sa 318 miyembro ng Kamara upang pormal na maiakyat ang Articles of Impeachment sa Senado.
Ayon kay Puno, na siya ring Chairman ng National Unity Party (NUP), nasa 30 sa kabuuang 55 miyembro ng kanilang partido ang nakahandang bumoto ng “Yes.”
“Ang nakararami sa amin sa NUP ay pabor na ipadala ito sa Senado. May hardcore group pa rin na tutol at may ilan na nais mag-abstain,” pahayag ni Puno sa isang Zoom press conference.
Ipinaliwanag ni Puno na kung susumahin ang puwersa ng iba’t ibang malalaking partido sa Kamara, madaling maabot ang target na bilang.
Aniya, kung bibilangin ang 60 boto mula sa Lakas-CMD, 30 sa NUP, at 30 mula sa Partido Federal ng Pilipinas, nasa 120 na agad ito. Kung idaragdag pa ang 30 boto mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC) at ang mayorya ng 63 party-list lawmakers, posibleng umabot ang kabuuang boto sa 180.
Ang Lakas-CMD ay pinamumunuan ni dating Speaker Martin Romualdez, habang ang Partido Federal ang partido ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gail Mendoza