MAYNILA – Nasagip ng mga awtoridad ang 187 manggagawang dayuhan at Pilipino sa isang raid sa Philippine Overseas Gaming Operator (POGO) center sa lalawigan ng Pampanga noong Martes ng gabi.
Sa ulat, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang mga miyembro nito kasama ang Criminal Investigation and Detection Group, Special Action Force at lokal na pulisya ay nagsagawa ng search warrant operation laban sa Lucky South 99 compound sa Friendship Highway sa Angeles City.
Inilabas ng Malolos City Regional Trial Court Branch 14 ang search warrant laban sa POGO dahil sa mga ulat ng human trafficking, torture at scam na mga aktibidad na nagaganap sa loob ng establisyimento.
“Yung reports na nakuha sa atin, initial report for rescue was may mga tinotorture dito. Pinapalo ng mga baseball bat at pinagtatadian dito. Meron tayong isang video na diumano babae na pinagsasayaw dito at pinagpapasahan ng mga bosses,” sabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio sa isang panayam sa telebisyon.
Nasa 158 dayuhan, kabilang ang mga Chinese, Vietnamese, Malaysians, Myanmar at Korean workers ang nailigtas, kasama ang 29 na Pilipino.
Sinabi ng PAOCC na lahat ng mga dayuhan ay sumasailalim na sa biometrics checks ng Bureau of Immigration. RNT