MANILA, Philippines – Hanggang 19 bagyo pa ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bago matapos ang 2025, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni weather specialist Joey Figuracion, inaasahang may 2 hanggang 3 bagyo bawat buwan mula Hulyo hanggang Nobyembre, at 1 hanggang 2 sa Disyembre.
Tanging Tropical Depression Auring pa lamang ang nakapasok sa PAR ngayong taon na agad din namang nalusaw.
Babala ni Figuracion, mataas ang posibilidad ng landfall ng mga susunod na bagyo. Kahit ‘di tumama sa lupa, posible pa rin nitong palakasin ang habagat, lalo na mula Hulyo hanggang Oktubre.
Karaniwang tinatahak ng mga bagyo sa Hulyo ang mga rutang patungong Taiwan o Japan, sa matataas na bahagi ng hilagang Luzon papuntang China, o tatawid sa gitnang hilagang Luzon papuntang Vietnam.
Inaasahan ang normal na dami ng ulan sa buong bansa mula Hulyo hanggang Setyembre, maliban sa hilagang-kanlurang Luzon na maaaring makaranas ng mas kaunting ulan. Mula Oktubre hanggang Disyembre, inaasahang tataas ang dami ng ulan, dulot ng mga bagyong posibleng pumasok o mabuo sa PAR. Santi Celario