MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Governance Commission for GOCCs (GCG) na sasailalim sa malawakang pagbabago ang PhilHealth upang mapabuti ang operasyon at mas epektibong maisakatuparan ang mandato nito sa ilalim ng Universal Health Care Act (RA 11223).
Bahagi ng reporma ang bagong estruktura na may 503 yunit at 7,149 posisyon.
Layon ng reporma na solusyonan ang mga isyu gaya ng luma nang workforce, kalat-kalat na datos, problema sa pagpapatupad ng mga estratehiya, at reklamo sa benepisyo. Ise-centralize ang mga serbisyong administratibo gaya ng finance, legal, IT, procurement, at human resources upang mapahusay ang pagkakaisa at serbisyo sa publiko.
Itatatag rin ang Benefit Payment Appeals Office (BPAO) para tugunan ang mga apela kaugnay sa benefit claims. Ang Internal Audit Office ng PhilHealth ay itatalaga nang direktang mag-ulat sa Audit Committee at sa PCEO para sa mas mahigpit na oversight.
Kinumpirma ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na katuwang ng ahensiya ang GCG sa pagbabagong ito upang suportahan ang implementasyon ng Universal Health Care. Santi Celario