MANILA, Philippines – Pinaigting pa ng mga awtoridad ang paghahanap sa dalawang nawawalang bangkang pangisda na lulan ang 19 na tripulante sa kasagsagan ng Tropical Storm Enteng sa Quezon province.
Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na nitong Miyerkules, Setyembre 4, iniulat ni Noreen Soronel, may-ari ng FBCA Zshan na nawalan siya ng kontak sa fishing vessel noong Martes.
Umalis ang bangka sa Infanta para sa fishing expedition sa Pacific Ocean noong Àgosto 18.
Sa pananalasa ng bagyong Enteng, pinayuhan ni Soronel ang boat skipper na sumilong sa Barangay Calutcot sa isla ng Burdeos upang maiwasan ang epekto ng bagyo. Ang huling komunikasyon niya ay noong Lunes.
Sa pagpapatuloy ng paghahanap, hinimok ng PCG ang publiko, partikular ang mga nasa baybaying komunidad, na iulat ang anumang nakita o nauugnay na impormasyon upang makatulong na mahanap ang nawawalang bangkang pangisda.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang PCG, Philippine Air Force helicopter, Philippine National Police, at iba pang fishing boat sa hilagang Quezon.
Ngayong Huwebes, Setyembre 5, iniulat ng Quezon police na nawawala rin ang isa pang fishing boat, ang RODA 1, na mula sa bayan ng Perez Island, at may sakay na apat na mangingisda.
Ang bangka ay umalis sa Perez noong Agosto 28 para sa isang fishing venture sa Polillo island fishing ground sa Pacific Ocean ngunit hindi na bumalik. Jocelyn Tabangcura-Domeden