MANILA, Philippines- Mahigit 1,000 indibidwal o mahigit 600 pamilya ang apektado ng pagbaha sa Cadiz City, sa lalawigan ng Negros Occidental.
Nasa siyam na barangay sa lungsod ang binaha, base sa Negros Occidental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Inilipat ang mga residenteng naninirahan malapit sa ilog sa isang evacuation center sa lungsod matapos umabot ang tubig-baha hanggang leeg dahil sa malakas na pag-ulan.
Naiulat naman ang pagtaas ng tubig sa ilog sa Barangay Andres Bonifacio sa kritikal na lebel.
Humupa na ang tubig-baha subalit, 15 pamilya pa ang nananatili sa evacuation center habang mino-monitor ang lebel ng tubig sa kanilang lugar.
“Sa ngayon ang areas, subsided na ang water. We are just closely monitoring. I think one of the reasons ay mababaw na ang kanilang creeks and rivers,” pahayag ni Irene Bel Ploteña, pinuno ng Negros Occidental PDRRMO. RNT/SA