MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa pekeng social media post na nagsasabing ang mga karayom na ginagamit sa blood tests ay kontaminado ng human immunodeficiency virus (HIV).
“The Philippine National Police has also debunked this message, confirming that it is a scare tactic with no factual basis,” saad sa abiso ng DOH.
Ibinahagi ng DOH ang screenshot ng social media post, na nagsasabing ang mga indibidwal na nagpapakilalang miyembro ng tinatawag na “Faculty of Medicine” ay bumibisita sa mga tahanan upang mag-alok ng blood sugar tests. Binanggit din sa social media material na ang mga karayom na ginagamit sa blood sugar tests ay kontaminado ng HIV, na sanhi ng immunodeficiency syndrome (AIDS).
Nagpapakalat ng maling impormasyon ang screenshot ng social media post, base sa Department of Health (DOH). Umapela ang ahensya sa publiko na huwag magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon na maaari umanong magdulot ng takot. Hinimok din nito ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon sa mga lehitimong source at platforms.
“The DOH urges the public not to share unverified claims that may cause unnecessary alarm,” giit ng ahensya.
“Further, the public is enjoined to source information only from legitimate sources and platforms such as the health department,” dagdag nito. RNT/SA