MANILA, Philippines- Handang-handa na ang mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) sa ilalatag na election checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.
Sa ceremonial send off, sinabi ni MPD Director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay na 14 checkpoints sa buong Maynila ang ilalatag upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at kaayusan sa panahon ng election period na opisyal na magsisimula Linggo, Enero 12.
Ayon kay Ibay, hihigpitan din ang security protocols na ipatutupad kapag nagsimula na ang nationwide gun ban sa Linggo.
Sinabi ng heneral na tuwing eleksyon ay mataas ang insidente ng gun-related violence kaya naman ito ang paraan para mabawasan ang ganitong insidente.
Samantal , suportado naman ni Manila Mayor Honey-Lacuna Pangan ang MPD at Comelec sa pagpapatupad ng gun ban at inatasan ang barangay officials na tumulong sa mga awtoridad.
Ayon kay Lacuna, dapat bantay-sarado ang main city border roads para hindi makapasok sa Lungsod ng Maynila ang mga dayong kriminal at hindi rin makalabas ang sinumang mahuhuling lalabag sa batas.
Dapat din aniyang tiyakin ng mga kapulisan na gumagana ang kanilang bodycam at may sapat na baterya.
Gayundin, pinaalalahanan ni Lacuna ang mga motorista na ang kanilang dashboard cameras at kahalintulad na recording devices ay kailangang gumagana nang maayos upang maging karagdagang proteksyon laban sa posibleng pang-aabuso ng ilang law enforcement officers. Jocelyn Tabangcura-Domenden