Home METRO 1M bisita inaasahang daragsa sa Chinese New Year sa Maynila

1M bisita inaasahang daragsa sa Chinese New Year sa Maynila

MANILA, Philippines – Inaasahang daragsain ng isang milyong bisita ang pagdiriwang ng Chinese New Year ngayong taon sa Maynila.

Bunsod nito, sinabi ng Manila local government unit na humingi na rin ng tulong sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) para sa karagdagang seguridad at mapanatiling maging maayos ang nasabing pagdiriwang—ang taon ng Wooden Dragon.

Naghanda naman ng mga aktibidad ang Filipino-Chinese community sa Pebrero 9 na idineklarang special non-working day para sa Chinese New Year.

Kabilang rito ang fireworks display habang makikilahok ang nasa 40 floats para sa float parade sa Pebrero 10.

Paalala ng pamunuan ng MPD, asahan na ang pagpapatupad ng traffic rerouting sa lugar dahil sa gagawing parada.

Mag-aalok din ng diskwento ang mga restaurant sa Chinatown bilang bahagi ng pagdiriwang.

Sa kick off ceremony ng Chinese New Year sa pamamagitan ng Prosperity Lighting noong Sabado, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na hindi lamang ang Lunar celebration ang ipinagdiriwang kundi ang 430 taon ng Manila Chinatown na pinakamatanda at pinakamalaking Chinatoiwn sa mundo.

Sa Pebrero 18, magkakaroon din ng lantern parade at iba pang aktibidad na kaugnay sa selebrasyon ang inorganisa. Jocelyn Tabangcura-Domenden