Home METRO Videographer niratrat sa NLEX

Videographer niratrat sa NLEX

Bulacan – Sugatan ang isang 42-anyos na lalaking videographer matapos pagbabarilin habang nagmamaneho sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) southbound lane sa bayan ng Pulilan.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Aris Magayanes, residente ng Brgy. Pag-asa, Binangonan, Rizal habang hindi naman nakilala ang namaril.

Sa report kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo ng Pulilan police station, naganap ang insidente bandang 4:35 ng hapon nitong Pebrero 4 sa NLEX southbound lane sakop ng Brgy. Dampol 2nd.

Ayon sa Pulilan police, nakatanggap sila ng tawag na may nangyaring pamamaril sa nabanggit na lugar kaya agad silang rumesponde rito.

Nang makarating sa lugar ay natuklasan nila ang isang Nissan Terra SUV sa direksyon patungong Maynila na bumangga sa steel railings sa gilid ng kalsada.

Nadiskubre nila na may mga limang tama ng bala ang driver’s side ng sasakyan at bumulaga sa kanila ang duguang biktima na may tama sa kanang balikat.

Dahil dito, agad dinala ng mga awtoridad ang biktima sa Bulacan Medical Center para sa paunang lunas.

Sa impormasyong nakalap, nasa stable condition na ang biktima na sinasabing inilapat sa ibang ospital para sa patuloy na gamutan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang pamamaril. Dick Mirasol III

Previous article1M bisita inaasahang daragsa sa Chinese New Year sa Maynila
Next articleUN rapporteur Khan, kinastigo ni Bong Go