Home NATIONWIDE UN rapporteur Khan, kinastigo ni Bong Go

UN rapporteur Khan, kinastigo ni Bong Go

MANILA, Philippines – Kinastigo ni Senador Christopher “Bong” Go si United Nations (UN) Special Rapporteur for Freedom of Opinion and Expression na si Irene Khan sa paghimok sa gobyerno ng Pilipinas na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Law of 2020 (ATL), at ang RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sinabi ni Go na dapat igalang ni Khan ang soberanya ng Pilipinas at ang mga demokratikong institusyon nito na pinamamahalaan ng mga batas na masusing pinag-aralan para protektahan ang buhay ng bawat Pilipino.

“These assumptions do not reflect our country’s reality and needs. These laws were passed by the Philippine legislature to address challenges and the threats that we face from terrorism and cybercrime in order to protect our people and promote national security,” sabi ni Go.

Ipinahayag din ni Go na ang Pilipinas ay may mga prosesong konstitusyonal at demokratikong mekanismo para matiyak na ang mga batas ay maipatutupad nang may paggalang sa karapatang pantao at tuntunin ng batas.

Sinabi ni Go na kung may pangangailangang amyendahan o ipawalang-bisa sa anumang batas, ang dalawang kapulungan ng kongreso ay may mga tungkulin sa pangangasiwa upang pag-aralan ang posibilidad na ito kung kinakailangan.

Iminungkahi ni Go na bago magbigay ng komento tungkol sa mga batas ng Pilipinas, dapat munang makinig at kumonsulta si Khan sa mga mambabatas na gumawa at nagpasa ng ATL at Cybercrime Prevention Act o sa law enforcement agencies na nagpapatupad nito.

Idinepensa ni Go ang ATL at ang Cybercrime Prevention Act sa pagsasabing ang mga ito ay hakbang upang labanan ang terorismo at cybercrime na banta sa pambansang seguridad at kaayusan ng Pilipinas.

Hindi aniya nilayon ang mga batas na ito upang sugpuin ang kalayaan sa pagpapahayag kundi upang protektahan ang publiko mula sa mga kaaway ng estado na ginagamit ang cyber platform upang magkalat ng maling impormasyon, magrekrut ng mga miyembro, magplano ng mga pag-atake, at gumawa ng mga krimen.

Dahil dito, hiniling ng senador kay Khan na maging maingat sa implikasyon ng kanyang mga pahayag o aksyon sa soberanya at dignidad ng Pilipinas at ng mga mamamayan nito.

Dapat aniya itigil ni Khan ang pakikialam sa mga gawain sa Pilipinas at igalang ang mga batas at institusyon nito.

Sinabi ni Go na tutukan na lamang ni Khan ang kanyang mandato bilang UN rapporteur at hindi pumanig sa mga grupo o indibidwal na may political agenda laban sa gobyerno at sa mga patakaran nito. RNT