MANILA, Philippines – Umakyat na sa 17 ang bilang ng mga nasawi sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao dahil sa malalakas na pag-ulan.
“As of now, we have recorded 17 deaths and the injury of four. May mga nawawala rin, mga eight personalities,” pahayag ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa press briefing.
Sa Davao de Oro, 12 katao ang iniulat na nasawi habang tatlo pa ang nawawala.
Ayon kay Acorda, 1,471 pulis ang ipinakalat upang tumulong sa mga biktima ng baha at landslide sa Davao Region.
Nasagip ng pulisya ang aabot sa 33 katao.
Samantala, nasa kabuuang 812,638 katao o 214,132 pamilya ang apektado ng masamang panahon dulot ng trough ng low pressure area.
Ang mga apektadong rehiyon ay ang Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
Aabot naman sa P2.61 milyon ang pinsala sa imprastruktura sa Davao at Caraga. RNT/JGC