Home NATIONWIDE Presyo ng galunggong bababa ng 30%

Presyo ng galunggong bababa ng 30%

MANILA, Philippines – Posibleng bumaba ng hanggang 30% ang presyo ng galunggong at iba pang isda sa mga susunod na buwan sa pagsisimula ng open fishing season sa Palawan.

Sa pinakahuling datos mula sa Department of Agriculture, ang retail prices ng local galunggong sa Metro Manila ay mula P200 hanggang P330 kada kilo hanggang nitong Pebrero 2, o tumaas mula sa P200 hanggang P280 kada kilo noong Oktubre 31, 2023, o isang araw bago magsimula ang closed fishing season.

Samantala, ang presyo ng imported galunggong ay naglalaro naman sa P180 hanggang P260 kada kilo.

“Dahil nagsisimula na muli ‘yung ating open season ngayong February, March, inaasahan natin na malaki ‘yung ibababa, siguro hanggang 30% na presyo ng galunggong at iba pang pelagic fish,” pahayag ni DA spokesperson Arnel de Mesa.

Ang closed fishing season para sa galunggong sa Palawan ay nagsimula noong Nobyembre 1, 2023 at nagtapos noong Enero 31, 2024.

Habang ang pangingisda ng sardinas, herring at mackerel ay ipinagbawal naman sa Visayas noong Nobyembre 15 at magtatapos sa Pebrero 15. RNT/JGC