MANILA, Philippines – SINABI ng Department of Education (DepEd) na mahigit sa 2.4 milyong estudyante ang inaasahan na makikinabang mula sa government subsidies para sa private education sa School Year 2026-2027, habang pinalalawig ng ahensiya ang tulong para sa low-income learners na naka-enroll sa pribadong eskuwelahan.
Sa isang kalatas, sinabi ng DepEd na may 990,000 junior high school students ang sakop sa ilalim ng Educational Service Contracting (ESC) program, habang may 1.47 million senior high school students ang nakatakda namang makatanggap ng tulong sa pamamagitan ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP).
Ang subsidiya ay bumagsak sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) program, na magbibigay ng financial support sa mga estudyante sa pribadong eskuwelahan at salary assistance para sa mga guro.
Winika ni Education Secretary Sonny Angara na ang programa ay naglalayong tulungan ang pamilya na makaagapay sa gastos sa pag-aaral habang pinaluluwag ang masikip na pampublikong paaralan.
“Hindi dapat tumigil ang pag-aaral ng isang bata dahil lang sa kakulangan sa pera. Ang tulong ng pamahalaan ay dapat makarating sa mga pamilyang pinaka nangangailangan. These subsidies are meant to keep children in school,” ayon sa Kalihim.
Sinabi ng DepEd na nagpalabas din ito ng revised guidelines para sa E-GASTPE, pinag-isa ang implementasyon ng ESC, SHS-VP, and Teachers’ Salary Subsidy (TSS) sa ilalim ng iisang framework.
Sa ilalim ng revised policy, “priority will be given to learners from disadvantaged sectors, including low-income households, Indigenous Peoples communities, and geographically isolated areas.”
Tinuran ng DepEd na ang Teachers’ Salary Subsidy ay nananatiling bahagi ng programa, na may suporta para sa eligible private school teachers na magkaroon ng increased mula sa P18,000 hanggang P24,000.
Sinabi pa ng departamento na ipinakikilala ng revised policy ang mas mahigpit na ‘screening at monitoring’ upang masiguro na ang subsidiya ay direktang mapupunta sa mga mag-aaral na nanganganib na ma-drop out.
Samantala, sinabi ng DepEd na ang updated guidelines, nakapaloob sa DepEd Order No. 11, s. 2026, magiging epektibo sa School Year 2026-2027. KRIS JOSE