Home METRO 2 ama, 3 sasakyan nilamon ng ilog

2 ama, 3 sasakyan nilamon ng ilog

Bulacan- Isang namamagang bangkay ng lalaki ang nakitang palutang-lutang kasama ng mga water lily sa ilog sa bayan ng Bocaue.

Sa impormasyong nakalap, nadiskubre ng mga residente ang bangkay bandang alas-7 ng umaga nitong Martes, Hunyo 25 sa Brgy. Taal.

Ang alsadong bangkay ay nakasuot ng berdeng damit pang-itaas at naka-kulay itim na brief habang nakalutang pasubsob sa naturang ilog.

Habang sinusulat ito, may dumating na isang pamilya sa lugar na umano’y mula sa Novaliches na umangkin sa alsadong bangkay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.

Samantala, nakita na rin ang bangkay ng nawawalang tricycle driver na si Rudy Bergado, nasa hustong gulang ng Brgy. Tumana na nakasuot ng asul na damit at pantalon nitong Martes na tinangay ng rumaragasang agos sa Macaiban bridge sa bayan ng Sta. Maria nitong nakaraang Linggo ng gabi.

Nalamang nakaligtas ang hindi nakilalang mag-asawang operator ni Rudy na kanyang angkas ng mga oras na iyon nang mapadpad sa pampang at maisalba ng mga tanod bandang alas-7 ng gabi sakop ng Brgy. Poblacion.

Sinasabing bukod sa tricycle ay isa pang van at kotse ang tinangay din sa ilog ng biglaang pagragasa ng tubig sa tulay sa kasagsagan ng ulan ng araw na iyon.

Sa kabutihang palad, may impormasyong ligtas naman ang mga pasahero ng van at kotse na tinangay at lumubog sa ilog. Dick Mirasol III