BACOLOD CITY- Nasabat ng Bacolod City Police Office ang shabu na nagkakahalaga ng kabuuang P1.2 milyon mula sa dalawang hinihinalang tulak ng droga sa buy-bust operations sa lugar na ito nitong Martes at Huwebes.
Naaresto ng City Drug Enforcement Unit ang 45-anyos na si Stephen nitong Huwebes sa Purok Pablo Torre, Barangay Vista Alegre.
Nakuha mula kay Stephen ang 135 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P918,000. Natukoy ang suspek na high-value individual dahil sa dami ng nakuhang ilegal na droga mula sa kanya.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang P1,000 marked money at digital weighing scale.
Nadakip naman ang isang 54-anyos na lalaki na may 52 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P353,600 sa Purok Lubi, Barangay 3, nitong Martes.
Sinabi ni Police Major Eugene Tolentino, pinuno ng Police Station 2, na nauna nang nadakip ang suspek dahil sa drug offense at nakalaya noong 2018.
Naghain na ng drug-related charges laban sa suspek nitong Miyerkules. RNT/SA