MANILA, Philippines- Aminado ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na may kahinaan ang kanilang sistema sa pag-iinspeksyon sa mga pantalan, sa gitna ng mga ulat ng pagpasok ng mga ilegal na droga at Chinese POGO workers sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee, inilabas ni Senador Raffy Tulfo ang mga ulat ng mga Chinese citizen na pumapasok at umaalis sa bansa sa pamamagitan ng dredging vessels.
Sinabi ni BI Deputy Chief of Operations for Bay Service Section na si Michelle Tadeo, dapat abisuhan ng shipmaster ang BI sa tuwing plano nitong pansamantalang bumaba ng barko.
Ngunit nang tanungin ni Tulfo kung paano sinisigurado ng BI na aabisuhan sila ng mga sasakyang pandagat, lalo na sa gabi, sinabi ni Tadeo na hindi 24 oras ang operasyon ng ahensya sa daungan.
Ayon kay Tadeo, ang mino-monitor umano nila ay crew changes tulad ng idineklara nilang nag-join na crew, bumaba at nag-sign off.
“Doon namin namo-monitor kung consistent yung number of crew na na-record namin doon sa paalis na crew na barko. Admittedly, hindi namin nagagawa yung paghalughog sa lahat ng parts ng barko,” ani Tadeo.
Ayon pa kay Tadeo, nakita umano nila ang kahinaan ng sistema sa kanilang isinasagawang pag-iinspeksyon na naging dahilan kung bakit nagkalat ang mga droga sa bansa at madaming mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO na hindi rehistrado bukod pa aniya yung mga POGO na may kaso sa bansa na nakatatakas sa mga barko.
Noong Agosto, nasa 33 manggagawa mula sa mga ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac at Pasay City ang ipinatapon dahil sa pagiging undesirable alien dahil sa kawalan ng permit at visa.
Sa parehong buwan, nakuha ng Bureau of Customs Port District ng Clark ang P17.169 milyong halaga ng high-grade marijuana na nakatago sa mga sofa.
Dahil dito, humingi ng tulong si Tadeo sa Philippine Coast Guard (PCG) sa pag-inspeksyon sa mga barkong nakadaong at papalabas sa mga daungan.
Sinabi ng PCG na handa itong magtalaga ng kanilang K9 units at mga tauhan para tumulong sa pag-inspeksyon ng mga sasakyang pandagat. JAY Reyes