Tanza, Cavite — Dalawang lalaki ang inaresto matapos umanong mamahagi ng flyers na may kasamang ₱500 sa mga residente kapalit ng kanilang boto para sa isang kandidato, ayon sa ulat ng mga awtoridad.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Paolo, 33 anyos, binata at residente ng Brgy. Poblacion 3, at Charndan, isang binata at empleyado ng isang rent-a-car sa Brgy. Sahud Ulan, kapwa mula sa Tanza, Cavite.
Batay sa ulat, bandang alas-5:00 ng hapon noong kamakalawa nang mamataan ang mga suspek habang namimigay ng flyers na may kalakip na halagang ₱500 sa mga residente ng Brgy. Hulugan 3. Inaalok umano ng mga suspek ang pera kapalit ng pagsuporta sa isang tumatakbong kandidato sa lokal na halalan.
Hindi pa isinasapubliko ng mga awtoridad ang pangalan ng kandidatong sangkot.
Ang mga suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 26(a) ng Omnibus Election Code na may kinalaman sa vote-buying. Pinangasiwaan ng pulisya ang pagkakaaresto sa tulong ng mga impormante sa komunidad.
Samantala, inihahanda na ang kaukulang dokumento para sa pormal na pagsasampa ng kaso laban sa mga inaresto. Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa ilegal na aktibidad. Margie Bautista