Home NATIONWIDE Manila Bay dredging ng Chinese firms, operasyon sa labas ng WPS, pinatutukan...

Manila Bay dredging ng Chinese firms, operasyon sa labas ng WPS, pinatutukan sa gobyerno

Matinding panawagan ang ipinarating ni Senador JV Ejercito sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang agad imbestigahan ang operasyon ng mga Chinese agents sa loob ng bansa, kabilang ang kontrobersyal na dredging activities sa Manila Bay ng mga kumpanyang may kaugnayan sa China.

Sa isang privilege speech nitong Miyerkules, iginiit ni Ejercito na hindi dapat limitado sa West Philippine Sea (WPS) ang saklaw ng seguridad ng bansa, lalo’t may mga ulat ng operasyon ng Chinese entities sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

“Matapos ang ilang pagdinig ukol sa submersible drones ng China sa WPS, tila wala pa ring konkretong aksyon mula sa security cluster. Nasaan ang aksyon ng ating mga ahensya?” tanong ng senador.

Binatikos rin ni Ejercito ang umano’y mas malaking atensyong ibinibigay sa mga Chinese businessmen na nagtatrabaho sa bansa nang walang kaukulang dokumento, kaysa sa mga operatibang Tsino na maaaring naglalagay sa panganib sa pambansang seguridad.

“May higit 100 barko ang nagsasagawa ng dredging sa Manila Bay. Posible ring may mga internal operatives silang kasama. Sino ang prayoridad—Chinese businessmen o mga posibleng banta sa national security?” giit ni Ejercito.

Dagdag pa niya, may mga ulat din ng umano’y panghihimasok ng mga Chinese agents sa darating na halalan sa 2025, bagay na lalo pang nagpataas ng antas ng kanyang pagkabahala.

Bukod dito, pinaimbestigahan din ni Ejercito ang isang PR firm sa Makati na umano’y inuupahan ng Chinese embassy upang magpakalat ng maling impormasyon at magtayo ng troll farms na naglalayong baluktutin ang pampublikong opinyon.

“Sa kabila ng higit 80 hanggang 90 porsyento ng mga Pilipino ang tumututol sa kilos ng China, tila pinapalitan ang naratibo sa social media. Kapag pro-China ka, pro-Filipino ka; pero kapag anti-China ka, pro-war ka raw. Ito ang narrative na pinapalaganap,” babala niya.

Hinimok ni Ejercito ang Department of Foreign Affairs (DFA), Bureau of Immigration (BI), at iba pang kaugnay na ahensya na huwag balewalain ang mga operasyong labas sa WPS na posibleng banta sa soberanya at katahimikan ng bansa. Ernie Reyes