Arestado ng mga operatiba ng Parañaque City police ang isang wanted na suspect na kasing dulas ng isang palos at sangkot sa 16 na kaso ng pagnanakaw Miyerkules ng hapon, Mayo 7.
Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col Melvin Montante ang nadakip na suspect na si alyas Ryan Christian, 27, residente ng Sitio Sto. Niño, San Martin De Porres, Parañaque City, at tinaguriang top 8 most wanted person (MWP) ng station level.
Ayon kay Montante, inaresto ang suspect bandang alas 2:40 ng hapon sa kanyang bahay ng mga tauhan ng Parañaque City police Warrant and Subpoena Section (WSS).
Naisakatuparan ang pag-aresto sa suspect sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ng WSS na inisyu ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rainald Cajurao Paggao ng Branch 142 na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P456,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasalukuyang nasat kustodiya ng WSS ang suspect na sangkot sa 16 counts ng qualified theft na may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) habang naghihintay sa paglabas ng commitment order ng korte para sa kanyang palipat ng kulungan sa Makati City jail. (James I. Catapusan)