Arestado ang dalawang suspects na tumangay ng motorsiklo ng kanilang biniktima sa isinagawang follow-up at hot pursuit operation ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ng Southern Police District (DSOU-SPD) sa pakikipagtulungan ng Sub-Station 7 ng Parañaque City police Biyernes ng gabi, Setyembre 6.
Sa report na natanggap ni SPD director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ay nakilala ang dalawang nadakip na suspects na sina alyas Robert, 32 at isang alyas Glenn, 37.
Ayon kay Rosete, naisakatuparan ang matagumpay na pag-aresto sa mga suspects dakong alas 8:30 ng gabi sa Barangay Sun Valley, Parañaque City.
Base sa salaysay ng biktimang si alyas Jameson, 19, pilit na kinuha ang kanyang minamanehong kulay itim at pulang Honda Click 125 bandang alas 3:00 ng madaling araw na naganap sa Sta. Ana, Barangay Sun Valley, Parañaque City kung saan ang pangyayari ay nasaksihan din ng isang alyas Santi, 19.
Sa tulong ng biktima at ng nakasaksi sa insidente ay agad na nadakip ng mga tauhan ng DSOU ang mga suspect at narekober ang motorsiklo na puwersahang kinuha sa biktima pati na rin ang photocopy ng Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR) nito.
Nakumpiska naman sa posesyon ni alyas Robert ang isang di lisensiyadong Armscor 202 SPL Caliber .38 revolver na walang serial number at kargado ng limang bala.
Sa inisyal na pagsasagawa ng beripikasyon sa mga suspects ay nadiskubre na si alyas Robert ay nahaharap sa iba’t-ibang kaso na kinabibilangan ng serious physical injury, paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 (illegal possession of prohibited drugs), at paglabag sa PD 1602 (illegal gambling) habang si alyas Glenn naman ay sangkot sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.
Kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 (RA 10883) ang mga suspects habang si alyas Robert ay nahaharap pa rin sa karagdagang kaso na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) sa Parañaque City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)