Home METRO 2 armadong miyembro ng akyat-bahay gang timbog sa Las Piñas

2 armadong miyembro ng akyat-bahay gang timbog sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Dalawang miyembro ng akyat-bahay gang na armado ng mga baril ang nasakote ng mga tauhan ng Las Piñas City police Sabado ng madaling araw, Agosto 31.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang mga nadakip na suspects na sina alyas Jayson, 22, at isang alyas Oscar, 34.

Base sa report na isinumite ni Tafalla sa Southern Police District (SPD), nadakip ang mga suspects bandang alas 3:20 ng madaling araw habang nagsasagawa ng pagnanakaw ang mga ito sa isang bahay sa isang subdibisyon sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City.

Base sa salaysay ng may-ari ng bahay na pinasok ng mga suspect para pagnakawan na nakilalang si alyas Russell, bandang ala 1:30 ng madaling araw ay nagising siya dahil sa lakas ng tahol ng kanyang aso.

Nagulat na lamang siya nang makita niya ang mga suspects sa loob ng kanyang bahay na tangay na ang isang cellphone at isang silver na relo.

Tinangka pa umanong tumakas ng mga suspects ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay naitimbre na ng mga kapitbahay ng biktima ang kanilang tangkang pagnanakaw sa pulisya.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Las Piñas City police CAA Sub-Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Narekober sa posesyon ni alyas Jason ang kalibre .38 rebolber na kargado ng anim na bala habang nakumpiska naman kay alyas Oscar ang isang pistol ana di pa matiyak ang kalibre na kargado din ng limang bala na nakalagay sa loob ng kanyang shoulder bag.

Kasong trespass to dwelling, theft, at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang knahaharap ng mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police. James I. Catapusan