Home NATIONWIDE 2 bagong special economic zones sa Pasig City, Cavite itinatag

2 bagong special economic zones sa Pasig City, Cavite itinatag

MANILA, Philippines – TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang proklamasyon na naglalayong lumikha ng special economic zones sa Pasig City at Tanza, Cavite.

Nilagdaan ng Pangulo ang Proclamations 512 at 513, noong Abril 1 na isinapubliko naman, araw ng Miyerkules.

Sa ilalim ng Proclamation 512, pinili ni Pangulong Marcos ang ilang sukat ng lupain na may kabuuang 123,837 square meters sa Ugong, Pasig City bilang information technology (IT) park, matatagpuan sa E. Rodriguez Jr. Avenue, at kikilalanin bilang Arcovia City.

Nagpalabas din ang Pangulo ng Proclamation 513, lilikha sa MetroCas Industrial Estates-Special Economic Zone sa Tanza, Cavite.

Sakop ng Proclamation 513 ang 404,141 square meters ng lupain sa Calibuyo village sa Tanza, Cavite.

Sa kabilang dako, ipinalabas naman ni Pangulong Marcos ang dalawang proklamasyon sa ilalim ng Republic Act (RA) 7916 o Special Economic Zone Act of 1995, inamiyendahan ng RA 8748, at bunsod na rin ng rekumendasyon ng Board of Directors ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Ang RA 7916, nilagdaan upang maging ganap na batas noong Pebrero 24, 1995, naglalayong hikayatin ang economic growth sa pamamagitan ng development ng special economic zones na tinawag na “ecozones.”

Ang Special economic zones ay tinutukoy sa batas bilang “selected areas with highly developed or which have the potential to be developed into agro-industrial, Industrial tourist/recreational, commercial banking, investment and financial centers.”

Kabilang sa ecozone ay industrial estates, export processing zones, free trade zones, at tourist/recreational centers.

Ang IT parks ay hubs o sentro na ‘entitled’ sa lahat ng benepisyo na ipinagkakaloob sa special economic zones upang gawin itong mas “attractive” sa foreign investors na nais na magtayo ng kanilang business process outsourcing offices. Kris Jose