Home METRO 2 bangkay natagpuan sa taniman ng kape

2 bangkay natagpuan sa taniman ng kape

TABUK CITY, Kalinga – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan sa pagkakatagpo ng isang magsasaka sa dalawang naaagnas na bangkay ng tao sa plantasyon ng kape sa bahagi ng Barangay Cudal, Tabuk City, Kalinga.

Dakong alas-9:30 ng umaga natagpuan ang dalawang bangkay ng isang lolo na nakatakda sanang mag-ani ng kanyang mga pananim na kape sa naturang lugar.

Pero, habang nag-aani ng kape, mayroon umano itong naamoy na masangsang sa lugar na nasa 750 metro ang layo mula sa highway.

Nag-udyok naman ito sa lolo para isumbong sa kanilang Punong Barangay na si Joey Laigo na siya namang nagpadala ng kanyang mga tauhan sa lugar para beripikahin ito.

Nang sila’y makarating sa lugar na pinanggagalingan ng mabahong amoy, dito na nadiskubre ang dalawang naaagnas na bangkay ng tao na nakabaon sa lupa ng nasa 1.1 metro.

Nabatid na isa sa dalawang bangkay ay nakahiga sa lupa habang ang mga kamay nito ay mayroong tali ng plastic wire samantalang ang isang bangkay ay nasa tabi lamang nito.

Walang anumang saplot ang dalawang bangkay bukod sa kanilang suot na diaper.

Pansamantala, dinala ang mga bangkay sa isang punerarya habang nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan ng dalawang bangkay. Rey Velasco

Previous articleHigit 800 supporters ni Quiboloy dumagsa sa Liwasang Bonifacio
Next articleHalos 60 probinsya makikinabang sa P1.4B El Niño fund ng DSWD