MANILA, Philippines- Dalawang indibidwal ang natagpuang patay sa loob ng isang silid sa isang hotel sa Tagaytay City, Cavite.
Ayon sa nakalap na report mula sa pulisya, ang mga indibidwal ay natagpuang patay sa Room 103 ng The Lake Hotel sa Brgy. Maharlika West, ng nasabing lungsod.
Sa ulat, bandang alas-12:30 ng hapon nang umakyat ang staff na si Allan Manza sa Room 103 upang pagsabihan ang occupants hinggil sa nakatakda nilang check-out subalit pagbukas nito ng pinto ay tumambad ang dalawang wala nang buhay.
Ang nasabing mga bangkay ay isasailalim sa awtopsiya upang malaman ang sanhi ng kanilang pagkamatay.
Ayon sa ulat, Australian ang dalawa at tumanggi rin ang kapulisan na magbigay pa ng anumang detalye hinggil sa pagkamatay ng mga ito.
Tinawagan ang Public Information Office (PIO) ng Cavite Police Provincial Office (PPO), gayunman sinabing naghihintay din sila sa detalye na ibibigay sa kanila ng Tagaytay Police Station habang gumugulong pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Tumanggi rin ang hepe ng Tagaytay City Police Station na sagutin ang aming tawag.
Samantala, sa pinakabagong ulat, sinasabing may isa pang bangkay, bukod sa dalawang naunang binanggit na mga labi. Margie Bautista