MANILA, Philippines – Namataan ang dalawang warships ng People’s Liberation Army (PLA) Navy ng China habang isinasagawa ang ika-14 Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ng Pilipinas, Australia, at Estados Unidos malapit sa timog-silangang bahagi ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Navy, nanatili sa ligtas na distansya ang mga barko ng China at hindi lumapit sa mga kalahok na sasakyang-dagat.
Kinumpirma ito ni BRP Diego Silang commanding officer Capt. John Percie Alcos.
“These were People’s Liberation Army Navy warships,” aniya, at idinagdag na nakipag-ugnayan sila sa mga ito. “They did not challenge us.”
Gayunman, sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ilegal ang presensya ng mga barko ng China sa lugar at isusumite ito sa tamang ahensya.
Bahagi ng MMCA ang interoperability drills tulad ng paglapag ng AW109 helicopter sa flight deck ng Diego Silang at maniobrang pandepensa kasama ang HMAS Toowoomba ng Australia, USS Dewey ng US Navy, at BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay Alcos, “Ang pinaka importanteng takeaway ko dito is in terms of division tactics, specifically maneuvers, hindi tayo nahuhuli, actually, we are abreast sa ating mga partners. Kundi man tayo nahuhuli kasabay na natin siya.”
Kasabay ng aktibidad, muling iginiit ng Department of Foreign Affairs na bahagi ng West Philippine Sea ang Bajo de Masinloc at Kalayaan Island Group.
Ayon sa AFP at Philippine Navy, magpapatuloy ang mga ganitong maritime cooperative activities kasama ang mga kaalyadong bansa. RNT/MND