PAMPANGA –NASAGIP ng mga awtoridad ang dalawang menor de edad mula sa online exploitation, iniulat kahapon, Hunyo 15 sa Angeles City.
Ayon kay PLT. COL. Armelina Manalo ng PNP-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), Luzon Field Unit, nakatanggap sila ng report na pinipiktyuran at kinukuhanan ng video ng sariling ina ang dalawang bata para ibenta online.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, inamin ng ina ng mga bata na may banyaga siyang kontak na siyang nagturo sa kanya kung paano pagkakitaan ang ganitong gawain.
Inamin din nito na tumatanggap siya ng halagang P2,500 hanggang P3,000 kada transaksyon.
“Tinuruan siya kung ano ang dapat gawin, maghanap ng bata, at pinasok ito ng ina kapalit ng pera,” ani Manalo.
Tinurn-over na sa DSWD ang dalawang bata para sa pangangalaga.
Pinaalalahanan ng PNP-WCPC ang publiko na agad magsumbong kung may nalalaman ukol sa ganitong uri ng pang-aabuso. Maaaring tumawag sa 0996-725-5961 o 0920-907-1717. Mary Anne Sapico