Dalawang babae ang patay matapos sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Lacson Avenue kanto ng Tuazon St., sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng umaga.
Ayon sa imbestigador ng Manila District Traffic and Enforcement Unit (MDTEU), galing ng trabaho sa Makati ang magkaangkas na mga biktima nang mangyari ang insidente.
Pababa umano ng Nagtahan Bridge ang dalawa at nawalan ng kontrol dahil na rin sa bilis at madulas ang kalsada bunsod ng patuloy na pag-ulan dalanng bagyong Enteng, sumampa sila sa gutter.
Ayon pa sa pulisya, mula sa pinagsampahang gutter hanggang sa pinagbagsakan ng dalawang biktima ay nasa 15 metro pa ang layo ng kinayod ng gulong o skid marks saka bumagsak ang mga biktima.
Bagamat kapwa nakasuot ng helmet ang dalawa, maari umanong sa lakas ng pagbagsak ng dalawa kaya sila nasawi.
Isa sa biktima ay nakatira sa Bambang habang taga-ParaƱaque naman ang isa pang babae na magkasama sa trabaho.
Samantala, isa rin ang bahagyang nasugatan nang madamay ang isang rider matapos tumama ito sa motorsiklo ng mga biktima na kanya lamang kasunod na bumabagtas sa nasabing kahabaan ng kalsada. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)