MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Makati City Police ang dalawang high-value individual (HVI) kasabay ng pagbuwag sa hinihinalang drug den nitong Martes ng gabi, Marso 3.
Kinilala ng Makati City Police ang mga nadakip na suspek na sina alyas Henry, 63, welder, at alyas Mac Mac, 33, tricycle driver, kapwa tinaguriang mga HVI at residente ng Barangay Olympia, Makati City.
Base sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pagdakip sa mga suspek bandang alas-8:30 ng gabi sa kanilang bahay sa Barangay Olympia, Makati City.
Ayon kay Arceo, isang operatiba ang umaktong poseur-buyer at matapos maiabot nito sa mga suspek ang buy-bust money ay agad silang dinakma na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachet na may kabuuang timbang na 56 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P380,800, isang kulay itim na sling bag, isang cellular phone, at ang P500 buy-bust money na kasama ng 23 piraso ng tig-P500 bogus money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit upang isailalim sa chemical analysis.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City Police ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito sa Makati City Prosecutor’s Office.
“The arrest of these high-value targets is a testament to our relentless pursuit of those who threaten the safety of our neighborhoods. We will continue to intensify our operations until our communities are free from the scourge of illegal drugs,” ani Arceo.