Home METRO 2 carnapper natunton sa GPS tracker

2 carnapper natunton sa GPS tracker

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang babae at lalaking umano’y carnapper na tumangay sa motorsiklo ng isang rider sa Cordillera Street sa Barangay Lourdes, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, sinundan ng dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklo ang biktima na minamaneho rin ang motorsiklo nito.

Makalipas ang ilang sandal ay sapilitang kinuha ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima.

“Agad nag-overtake itong riding in tandem bumaba sa kanilang motor at tinutukan itong biktima. So may dalawang baril itong dalawang suspek. So walang magawa yung biktima kundi ibigay yung kanyang motor na color red kasama na yung dala niyang sling bag,” pahayag ni PLtCol. Romil Avenido, Station Commander ng La Loma Police Station, sa panayam ng ABSCBN News.

Kasamang natangay ng mga suspek ang sling bag ng biktima na may lamang mga gadget.

Sa pamamagitan ng GPS mula sa gadget ng biktima ay natunton ang kinaroroonan ng ninakaw na motorsiklo sa bahagi ng ParaƱaque.

“Nagbakasakali tayo na kung saan pumitik yung device ay doon natin sila mahuhuli at yun nga magkasabay na dumating itong mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo,” sinabi ni Avenido.

Arestado sa follow-up operation ang 21-anyos na lalaki matapos na makuha rito ang motorsiklo ng biktima kasama ang 25-anyos na babae kung saan naman dito nakuha ang gadget ng biktima na naaktuhan pa itong ginagamit.

Narekober ng mga awtoridad sa suspek ang dalawang baril na kargado ng bala na posibleng ginamit sa pagholdap sa rider.

Itinanggi naman ng lalaking suspek na may kinalaman siya sa krimen.

Mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang dalawang suspek habang sasampahan naman ng karagdagang reklamo ng paglabag sa New Anti-Carnapping Act ang lalaking suspek. RNT/JGC