Home NATIONWIDE Higit 6,400 bigtime tulak naaresto sa bagong admin

Higit 6,400 bigtime tulak naaresto sa bagong admin

MANILA – Mahigit 6,400 drug high-value target (HVTs) sa buong bansa ang naaresto mula nang magsimula ang anti-narcotics crackdown noong kalagitnaan ng 2022 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency ngayong Miyerkoles, Hulyo 3.

Batay sa pinakahuling numero ng PDEA sa kampanya laban sa droga, kabuuang 6,413 HVT ang naaresto mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 31, 2024.

Naaresto rin ng mga awtoridad ang 97,445 na suspek sa 71,591 na operasyon at binaklas ang kabuuang 1,021 drug den at isang laboratoryo ng shabu sa parehong panahon.

Ang mga operasyong ito ay nagresulta sa pagkakasamsam ng P44.69 bilyon na halaga ng iligal na droga, na kinabibilangan ng 5,813.77 kg. ng shabu, 74.6 kg. ng cocaine, 96,550 piraso ng ecstasy tablets, at 3,907.17 kg. ng marijuana.

Samantala, binanggit ng PDEA na 28,825 sa 42,000 barangay sa bansa ang idineklarang “drug-cleared” habang 6,691 pa ang nililinis ng mga awtoridad.

Sinabi nito na ang mga barangay na ito ay umabot na sa drug-cleared status matapos ang pagpapalabas ng sertipikasyon ng mga miyembro ng oversight committee sa barangay drug-clearing program. Santi Celario