Home NATIONWIDE P1.37-B ayuda ipinamahagi sa mga magsasaka, mangingisdang sapul ng El Niño

P1.37-B ayuda ipinamahagi sa mga magsasaka, mangingisdang sapul ng El Niño

MANILA, Philippines – UPANG suportahan ang mga magsasaka at mangingisda nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P1.37 bilyon na tulong sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families (PAFFF) program para sa mga apektado ng El Niño.

Ayon sa DSWD ang tulong ay naglalayong mabawasan ang epekto ng climate phenomenon sa mga komunidad ng agrikultura sa buong bansa.

Kaugnay nito noong Hulyo 1, 137,333 benepisyaryo sa Cagayan Valley, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Western Mindanao, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, General Santos City), at Caraga Region ay may bawat isa ay tumanggap ng P10,000.

Samantala ang PAFFF ay nagbibigay ng unconditional cash assistance upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makabangon mula sa pagkalugi sa ekonomiya dulot ng El Niño.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group at Spokesperson Irene Dumlao na ang mga benepisyaryo ay ang mga maaaring walang access sa mga regular na uri ng tulong dahil hindi sila kabilang sa pinakamahihirap na populasyon.

Bukod sa cash assistance, nagbibigay din ang DSWD ng food packs sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng El Niño.

Batay sa datos ng DSWD, 1.6 milyong pamilya, o 6.1 milyong indibidwal, ang naapektuhan ng climate phenomenon.

Samantala, iniulat ng Department of Agriculture na ang El Niño-related agricultural damage ay umabot sa P9.89 bilyon, na sumasaklaw sa 170,469 ektarya at nakaapekto sa 173,455 na magsasaka at mangingisda sa 12 rehiyon noong Hunyo 10. (Santi Celario)